Benepisyo ng SSS members at pensioners, tataas kung...

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 10:54 PM

Tataaas ang benepisyo ng mga miyembro at pensioners kapag itinuloy ang panukalang dagdag-kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Sa gitna ng debate sa planong dagdag-kontribusyon sa SSS, Inilabas ng ahensiya ang mga benepisyo para sa miyembro sakaling tumaas ang kontribusyon kada buwan.

“Ang mga pagbababago o reporma na aming gustong isulong ay mangangahulugang mas malaking benepisyo sa ating mga kasama sa SSS,” ani Emmanuel Dooc, pangulo ng SSS. 

Magiging P9,000 ang kasalukuyang pensiyon na P7,400 para sa mga miyembrong nakahulog sa loob ng 120 buwan o 10 taon, sakaling matuloy ang dagdag-kontribusyon.

Para naman sa mga nakahulog ng 30 taon o 360 buwan, magiging P13,300 ang kasalukuyang buwanang pensiyon na P10,900. 

Ang sickness benefit ng empleyadong P30,000 ang suweldo na nasa P480 kada araw ngayon batay sa P16,000 na monthly salary credit, magiging P600 kada araw kung itataas sa P20,000 ang monthly salary credit.

Sa kaparehong employee, lalaki rin ang maternity benefit kapag tinaasan ang monthly salary credit.

Papalo ng P40,000 ang kasalukuyang P32,000 maternity benefit para sa normal delivery habang aabot din sa P52,000 ang ngayong P41,600 benepisyo para sa sasailalim sa caesarean delivery. 

Magiging P32,000 naman ang P29,600 na funeral benefit kapag naisulong ang bagong sistema. 

Mula 11%, nais ng SSS na itaas sa 12.5% ang contribution rate ng miyembro.

Mula P16,000, nais din nilang itaas sa P20,000 ang monthly salary credit na magpapalaki sa kaltas ng sumasahod ng lagpas P16,000 kada buwan.

Umaasa ang SSS na masasabay ang dagdag-kontribusyon sa magiging bagong tax reform law kung saan maraming manggagawa ang hindi na papatawan ng personal income tax.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.