4 arestado sa pagbili ng appliance gamit ang credit card na iba ang may-ari

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 02:44 AM

Arestado ang apat na suspek sa credit card fraud matapos bumili ng appliance sa isang online shopping site gamit ang card ng iba. 

Kinilala ang mga naaresto na sina Erick John Arellano, Mariano Bajamunde, Augustine Gonzales, at Albino Pineda.

Natimbog sila matapos magreklamo ang dalawang credit card holders ng isang bangko sa isang online shopping site dahil may purchase sila ng appliance pero hindi naman sila ang gumawa ng order.

Halos sabay kasi ang order ng television at air conditioner sa online shopping ng dalawang suspek gamit ang naturang credit card. 

Nag-submit pa sila sa online store ng larawan ng credit card.

Naproseso ang order at nabigyan na ng delivery date nang magreklamo ang dalawang credit card holder. 

Agad namang nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group.

Nagkunwaring mga delivery boy ang mga operatiba at halos sabay ding dinala ang air conditioner at TV sa dalawang lugar sa Pasay kung saan naaresto ang apat na suspek.

Nakuha rin sa mga suspek ang pekeng identification cards. 

Ayon sa pulisya, maaaring gumamit ng skimming devices ang mga suspect o kaya ay bumili ng mga nakaw na credit card information online para magamit ang credit card ng existing card holder. 

Giit naman ng mga suspek, napag-utusan lang sila na tanggapin ang delivery. 

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Act.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.