PatrolPH

Lalaki patay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2021 12:31 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Veterans Village sa Iloilo City noong Oktubre 9, 2021.
Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Veterans Village sa Iloilo City noong Oktubre 9, 2021.

Patay ang isang lalaki matapos paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Veterans Village, Iloilo City, gabi ng Sabado.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si Hamza Kayani, 31 at residente ng Barangay Tanza Esperanza sa parehong lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, habang nagpapahangin sa labas ng kaniyang sasakyan si Kayani, biglang dumaan ang riding-in-tandem na namaril at sumaksak sa biktima.

May kasama umanong 2 menor de edad ang biktima nang mangyari ang insidente.

Agad dinala sa ospital ng mga rumespondeng barangay tanod ang biktima pero idineklara itong dead on arrival.

Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ang 6 na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Napag-alamang nakulong ang biktima sa kasong pagbebenta ng ilegal na droga, at ilegal na pagmamay-ari ng mga pampasabog at mga baril noong 2018.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Sa Banna, Ilocos Norte, patay naman ang isang 41 anyos na lalaki matapos pagbabarilin noong hapon ng Biyernes.

Ayon kay Capt. Norman Pentang, hepe ng Banna police, binaril ang biktima habang sakay ito ng motorsiklo sa Barangay Binacag.

Nang matumba ang biktima ay binabaan pa siya ng mga suspek at muling pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Isa sa mga pangunahing motibo na pinag-aaralan ng mga pulis ay kung konektado ang krimen sa pagpapautang ng pera ng biktima.

Bukod dito, pinag-aaralan din ang pagnanakaw na motibo dahil nawawala ang perang dala ng biktima.

— Ulat nina Rolen Escaniel at Grace Alba

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.