PatrolPH

Ilang lugar binaha, biyahe ng barko sinuspende dahil sa Bagyong 'Maring'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2021 01:49 PM | Updated as of Oct 10 2021 06:19 PM

Sinagip ng mga lokal na opisyal ng Palapag, Northern Samar ang mga residente na-stranded sa kanilang mga komunidad dahil sa bahang bunga ng mga ulan na dala ng Bagyong Maring. Retrato mula sa Palapag Municipal Disaster Risk Reduction Management Office
Sinagip ng mga lokal na opisyal ng Palapag, Northern Samar ang mga residente na-stranded sa kanilang mga komunidad dahil sa bahang bunga ng mga ulan na dala ng Bagyong Maring. Retrato mula sa Palapag Municipal Disaster Risk Reduction Management Office

(UPDATE) Binaha ang ilang lugar sa bansa at kinansela ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga pantalan bunsod ng masamang panahong dala ng Bagyong Maring.

Sa bayan ng Palapag, Northern Samar, nasa 50 tao ang sinagip noong Sabado matapos ma-stranded nang tumaas ang tubig sa Sangay-Napo River dahil sa tuloy-tuloy na ulan.

Na-stranded ang mga residente dahil na rin sa nasirang temporary na tulay, ayon sa municipal disaster office.

Tinulungan din ng mga lokal na opisyal ang mga residenteng na-stranded sa mga barangay ng Napo, Capacujan, Bangon, Bagacay at Osmeña.

Watch more on iWantTFC

Sa Occidental Mindoro, nalubog sa baha ang 6 na barangay sa bayan ng San Jose dahil sa matinding buhos ng ulang sinabayan pa ng high tide, sabi ni Vice Mayor Rod Agas.

Kabilang sa nalubog sa baha ang San Jose National High School pero naisalba naman aniya ng mga guro ang mga learning module.

"Ini-expect ko na tatagal pa ito nang ilang araw kasi 'yong habagat ang nakakaapekto naman dito sa San Jose lagi, kahit hindi kami deklarado sa signal number," ani Agas.

Sinuspende naman ngayong Linggo ang paglalayag sa mga port ng Liloan at San Ricardo, Southern Leyte.

Base sa anunsiyo ng Philippine Coast Guard, ito'y matapos itaas ang storm signal warning number 1 sa ilang lugar, kasama ang Surigao del Norte kung saan tumatawid ang mga barko mula Southern Leyte.

Magdamag namang pabugso-bugso ang malakas na hangin sa Tacloban City, dala rin ng Maring.

Higit 80 pasahero naman ang na-stranded sa Tabaco Port sa Albay matapos suspendehin ang mga biyahe papuntang Catanduanes.

Maibabalik lang sa normal ang biyahe sa pantalan kapag inalis na ang storm signal, ayon sa Philippine Ports Authority.

— Ulat nina Ranulfo Docdocan, Karren Canon at Jenette Ruedas; at Dennis Datu, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.