PatrolPH

Paalala ng DOH: Pabakunahan mga anak vs tigdas kahit may pandemya

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2020 12:23 PM

Paalala ng DOH: Pabakunahan mga anak vs tigdas kahit may pandemya 1
Ayon sa datos ng DOH, 2.4 milyong kabataan ang maituturing na "vulnerable" na magkaroon ng tigdas. Noel Celis, Agence France-Presse

MAYNILA— Nagpaalala ang Department of Health (DOH) Sabado sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak ngayong posibleng magkaroon ng outbreak ng tigdas sa taong 2021 sa gitna ng pangamba ng ilan sa pagpapabakuna.

Sa harap anila ito ng bumababang bilang ng mga kabataang nababakunahan kontra tigdas. 

Sa press briefing sa Laging Handa nitong Sabado, nagbabala si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may mga komplikasyong maaaring idulot ang tigdas at maaaring mauwi sa pagkamatay kaya mahalagang mapabakunahan ang mga anak. 

Malaki aniya ang naging epekto ng pandemya ngayong takot ang mga magulang na pumunta sa mga health facility para mapabakunahan ang mga anak. 

"Dumadami na po kasi ang susceptible children. 'Pag sinabi nating susceptible, sila na po ang at risk of having measles kasi mababa na po ang pagpapabakuna natin," ani Vergeire. 

"Malaki po ang naging epekto ng pandemya dahil marami po na hindi talaga nakakapunta sa facilities para magpabakuna. 'Yung ibang magulang hindi sila pumapayag na bakunahan ang kanilang anak kaya medyo bumababa ang nabakunahan kaya tayo ay nagbibigay ng warning na baka magkaroon ng outbreak ng measles sa 2021 sa kabataan," dagdag niya. 

Ayon sa datos ng DOH, 2.4 milyong kabataan ang maituturing na "vulnerable" na magkaroon ng tigdas. 

Ani Vergeire, bumaba ang accomplishment ng bansa sa bakuna na umabot lamang sa "less than 50 percent" kaya aniya naghahabol ang ahensiya.

Target ng DOH na magkaroon ng "supplemental" immunization para sa mga batang hindi pa nababakunahan ng measles, mumps at rubella (MMR) vaccine na kailangan para maiwasan ang pagkakaroon ng tigdas. 

Aarangkada ito sa Oktubre 26 at magtatagal hanggang sa susunod na taon. 

Paalala rin ni Vergeire, huwag mag-alangan na pabakunahan ang mga anak dahil subok na rin naman aniya ang mga bakunang ginagamit para rito. 

"Ang mga bakuna na mayroon tayo ay subok na, base sa siyensiya, ebidensiya at dekada na po ang gamit natin sa mga bakunang ito kaya wala po silang kailangang ipagpaalala para sa kanilang mga anak, ito ay ligtas, libre at binibigay ng gobyerno para maprotektahan ang ating mga anak so sana po tayo ay tumangkilik sa aming immunization program para maging malusog ang inyong anak at maiwasan natin ang mga sakit," ani Vergeire. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.