Macalintal suportado hiling na window hour para makalabas mga senior kahit quarantine

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2020 03:46 PM

 

Watch more in iWantTFC

MAYNILA— Suportado ni senior citizen advocate Romulo Macalintal ang hiling ng National Commission on Senior Citizens na payagan silang makapamalengke o makapag-mall tuwing umaga.

“Para magkaroon talaga ng sapat na panahon ang ating mga senior citizens para hindi na sila napapasabay sa hindi seniors,” pahayag ni Macalintal.

Sa panayam sa TeleRadyo, Sabado ng tanghali, sinabi ni Macalintal na magandang mabigyan ng window-hour ang mga senior na hindi naman lahat ay mahihina na.

“Tama lang na magkaroon ng sapat na oras para ilaan para sa amin,” sabi niya.

Malaki umano ang tiyansang mahawa ng COVID-19 ang mga vulnerable sectors tulad ng senior citizens at mga kabataan kaya’t hinihikayat silang manatili na lamang muna sa kanilang mga bahay sa ilalim ng quarantine regulations.

Pero sa guidelines ng Inter-Agency Task Force, papayagan ang mga senior citizen na lumabas para bumili ng gamot o pagkain kung wala namang ibang kasama sa bahay na puwedeng gumawa nito para sa kanila.
 
Tiyak din si Macalintal na nagkakaroon naman ng disinfection sa gabi ang mga groceries at malls kaya’t siguradong malinis ito sa umaga.

Makakaasa naman ang publiko na susundan ng senior citizens ang mga kinakailangang minimum health protocols ng gobyerno tulad ng pagsusuot ng face mask at shield at physical distancing.