MAYNILA - Iginiit ng Department of Transportation na nasa pagitan ng operator ng mga EDSA bus at mga operator ng payment card na ginamit para rito ang pagbabalangkas ng panuntunan para sa mga refund ng mga naunang naibentang card.
Ayon kay Transportation chief Arthur Tugade, nasa pagitan ng AF Payment at bus operators ang pagresolba rito dahil sila ang nagkontratahan tungkol sa babayarin.
" 'Yung kontrata sa Beep card hindi kontrata sa kagawaran o LTFRB o DOTr. Kontrata po 'yan ng service provider at bus operator. Sila ho ang mag-usap," ani Tugade.
Maaalalang iniutos ng gobyerno na gawing libre ang lahat ng commuter cash card matapos ulanin ng reklamo ang pagpapatupad ng cashless system sa EDSA busway.
Naningil umano kasi ang Beep, o ang cash card na gamit sa EDSA busway, ng P180 sa mga first-time users ng naturang commuter cash card na paghahatian pa sa P80 singil sa mismong card, at sa P100 na load.
Kung may mali naman anilang kaltas sa beep card, sinabi ng DoTr na dapat lumapit sa bus operator.
"Lumapit sila sa bus operator, pag di naaksyunan, lumapit sila sa amin. Kasi ho hindi nga sa amin ang kontrata," ani Tugade.
-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, cash card, commuter patrol, Beep card, AF Payments Incorporated