4 magkakamag-anak patay sa pamamaril sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2020 09:36 AM

Isa ang 3-taong gulang na bata sa mga nasawi sa pamamaril sa bayan ng Pikit, North Cotabato. Larawan mula sa Pikit Police

MAYNILA - Patay ang apat na magkakamag-anak habang apat na iba pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Barangay Lagundi, sa bayan ng Pikit, North Cotabato Biyernes ng tanghali.

Ang mga nasawi ay nasa edad na 58, 36, 34 at isang 3-taong gulang na bata.

Nagpapagaling naman sa pagamutan ang mga sugatan na 30 anyos, at mga menor de edad na 13, 8, at 7.

Ayon kay Police Capt. Mautin Pangandigan, hepe ng Pikit Police, apat na armadong salarin ang pumasok sa bahay ng pamilya ng mga biktima at pinagbabaril sila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, M16 armalite rifle ang ginamit ng mga salarin base sa nakuhang basyo ng bala sa crime scene.

Labing tatlong kilometro lamang ang layo ng pinangyarihan ng krimen sa Pikit Police Station.

“May persons of interest na kaming tinututukan sa nangyaring pamamaril. Tinitingnan naming anggulo na may kinalaman sa trabaho ng ama ng mga biktima,” sabi ni Pangandigan.

Nasa mabuti nang kalayagan ang mga nasugatang biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital.