Water shortage nararanasan sa Liliw, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 04:14 PM | Updated as of Oct 10 2019 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaaray na ang mga residente ng Liliw, Laguna dahil higit 5 buwan nang mahina o kaya ay walang suplay ng tubig sa bayan.

Ayon kay Jenny Acierto, dumadayo pa sila sa bayan ng Pila para mag-igib ng tubig.

Apektado na rin ang kanilang negosyong paupahan.

"May mga apartment nga po kami, wala ngang umuupa kasi walang tubig. Kapag sinabi naming walang tubig, ayaw na nila," ani Acierto.

Isang kilometro naman ang nilalakad ni Wilson Perez bitbit ang mga galon para makaigib.

"Tiis-tiis, walang magawa eh. Walang tubig eh," aniya. 

Sapul ng water shortage ang lahat sa 33 barangay sa Liliw, ayon sa alkalde na si Erickson Sulibit.

Ang pagkatuyo ng mga bukal at ilog sa Mount Banahaw, na tanging pinagkukunan ng tubig, ang itinuturong dahilan ng shortage.

Posible umanong nakaapekto ang El Niño sa mga bukal at ilog sa bundok.

Nasa isang talampakan na lang ang tubig sa water reservoir ng municipal waterworks system, na dati ay umapaw sa kapasidad na 9 talampakan.

Hindi lang Liliw ang nakararanas ng water shortage kundi maging ang mga karatig-bayan ng Nagcarlan, Majayjay, at Lucban, ayon kay Randy Monfero ng municipal waterworks system.

Sa Banahaw din kasi nanggagaling ang suplay ng tubig sa mga nasabing bayan, ani Monfero.

Nag-iisip na ng solusyon ang pamahalaang lokal ng Liliw para tugunan ang shortage gaya ng pagtatayo ng water treatment facilities at pagkuha ng tubig sa panibagong bukal, ani Sulibit.

Pinag-aaralan naman ang pagdeklara ng state of calamity sa mga pinakaapektadong barangay para magamit ang pondo sa pag-ayuda sa mga apektado ng kakulangan ng tubig.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.