Tigil-singil ng toll sa SLEX inihirit dahil sa trapik dulot ng Skyway project

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinutulak ng mga motorista sa pamunuan ng South Luzon Expressway (SLEX) na suspendihin muna ang paniningil ng toll sa gitna ng nararanasang trapiko sa naturang kalsada.

Ayon sa mga tsuper, hindi na maituturing na "express" ang biyahe sa SLEX dahil sa kalbaryong dinadanas nila sa proyektong Skyway extension. 

Dahil kasi sa konstruksiyon, one-way traffic scheme lang ang pinaiiral para bigyang-daan ang proyekto. 
    
"Suspindihin dapat eh. Eh wala rin, ganon pa rin. Trapik pa rin po eh," sabi ng jeepney driver na si Francisco Inayas, na dumadaan noon sa SLEX para mapabilis ang biyahe at madagdagan ang kita. 
    
"Ilang araw na kaming walang kinikita. Inaabot kami ng 4 na oras dito," hinaing naman ng jeepney driver na si Freddie Arellano.

Sa isang panayam, nangako naman si Laguna Rep. Sol Aragones na tatalakayin niya sa Kamara ang naturang suhestiyon ng mga tsuper.

"I-temporary suspend muna ang pagsingil sa toll sa mga kababayang dumadaan sa SLEX para naman kahit papaano ay may pampalubag-loob na 'yung pinagdadaanang hirap ng mga kababayan natin," ani Aragones. 

Sabi din ng Toll Regulatory Board (TRB), pag-aaralan nila ang naturang panukala. 

"Sa ngayon, ang impormasyong naibigay sa atin ng pamunuan, ito ay kanila pang kasalukuyang tinitingnan, pinag-aaralan," sabi ni TRB spokesman Julius Corpuz.

Ilang linggo nang idinadaing ng mga motorista ang matinding trapiko sa SLEX. 

Sa Disyembre 2020 ang target completion date ng proyekto pero niraratsada na raw ito para mapaluwag nang bahagya ang trapiko sa Disyembre ngayong taon. 
    
—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.