Spa na ginagawang 'prostitution den' sinalakay sa San Juan

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 04:09 PM | Updated as of Oct 10 2019 07:07 PM

Nailigtas ng pulis ang mga attendant ng Michiko Spa matapos itong ma-raid ngayong Huwebes dahil sa pag aalok ng ëxtra service” ng mga masahista ng nasabing spa. Jire Carreon, ABS-CBN News

(UPDATE) Apat na babae ang nasagip ngayong Huwebes sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang spa sa San Juan City na ginagawa umanong pugad ng prostitusyon.

Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pag-raid sa Michiko Spa sa Barangay Greenhills.

Nakatanggap ng sumbong ang mga awtoridad na naga-alok ng "extra service" ang mga masahista sa nasabing spa, ani Police Col. Jaime Santos, hepe ng San Juan police.

Isang police asset na nagpanggap na kostumer ang nagkumpirmang nag-aalok ng "extra service" ang mga masahista kapalit ng P2,400.

Wala ang may-ari ng spa nang mangyari ang operasyon pero ayon kay Zamora, maaari raw siyang kasuhan ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.

Ipinasara rin ni Zamora ang establisimyento dahil nag-ooperate ito kahit walang mayor's permit.

"Sana magsilbi itong babala sa spa owners at ano mang negosyo sa San Juan na 'di pwede ang prostitution sa ating lungsod," ani Zamora.

Dinala naman ang mga nasagip na babae sa Department of Social Welfare and Development para dumaan sa counseling.

-- Ulat nina Bianca Dava at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.