Sandra Cam itinangging dawit sa ambush ng Masbate town vice mayor

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 08:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Itinanggi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam na siya ang utak sa pagpatay kay Batuan, Masbate vice mayor Charlie Yuson III, taliwas sa paratang ng pamilya ng biktima. 

Miyerkoles nang paulanan ng bala si Yuson habang nag-aalmusal sa Sampaloc, Maynila. 

Ayon sa misis ni Yuson na si Lalaine Yuson, dawit daw si Cam sa pagpatay at politika ang motibo sa krimen. 

Sumugod pa sa Manila Police District si Lalaine nang malamang naaresto na ang 4 suspek sa pagpaslang sa kaniyang asawa.

"Siya 'yung bodyguard. Na-identify siya ng dating tauhan ni Cam na tauhan na ng asawa ko ngayon," hirit ni Lalaine. 
     
Si Cam naman, nanindigang walang kinalaman sa ambush at balak pang magsampa ng libel laban sa pamilya Yuson. 

"The imputations and allegations of Mrs. Yuson are highly libelous that my lawyers are now preparing to file charges against them," sabi ni Cam. 

Itinanggi din ni Cam na kilala niya ang mga nahuling suspek.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.