'Pantanggal-pagod': Construction worker huli sa aktong bumibili ng shabu

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 12:11 PM

MAYNILA — Timbog noong Miyerkoles ng gabi ang isang construction worker matapos siyang mahuli sa akto na bumibili ng shabu sa Quezon City.

Wala nang nagawa ang suspek na si alyas "Clint" nang hulihin siya ng mga tanod sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Saktong nag-iikot ang mga tanod pasado alas-10 ng gabi nang maaktuhan nila si Clint na bumibili ng droga sa isang "Jason."

Nakatakas si Jason at si Clint lang ang nahuli. 

"Nakita namin at hinabol namin pero mabilis tumakbo, nakatakas," sabi ni Ferdinand Abilar, tanod sa barangay. 

Anim na sachet ng shabu ang nakuha sa suspek, na napag-alamang trabahador pala. Sabi ng suspek, pampagising at pantanggal-pagod niya ang shabu.

"Pampawala ko 'yan ng pagod... Pampasipag sa trabaho," sabi niya.

Kulong ang lalaki habang hinahanap ang nakatakas niyang supplier. —Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.