'Maraming mahirap na Pinoy nagkakasakit dahil di masustansiya ang pagkain'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 06:30 PM | Updated as of Oct 13 2019 09:43 PM

Pinaiigting ng Department of Health (DOH) ang kampanya para maisulong ang malusog na pamumuhay, partikular sa mahihirap.

Maraming mahihirap na Pilipino kasi ang nagkakasakit dahil hindi masustansiya ang kanilang kinakain, ayon sa DOH.

Laganap sa Pilipinas ang mga lifestyle disease o sakit na nakukuha dahil sa uri ng pamumuhay o lifestyle, kabilang ang mga sakit sa puso at baga, ani Health Secretary Francisco Duque.

"Number one killer is cardiovascular, hypertension, COPD (chronic obstructive pulmonary disease), cancer. So iyan ang kasama ang pagkakain, bisyo," ani Duque.

Bunsod nito, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa mga pamahalaang lokal para mabigyan ng gabay ang mga residente sa malusog na pamumuhay.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ang kampanya natin kasama ang local government unit, developing materials for health promotion and disease prevention," ani Duque.

Ang pagpapaigting sa kampanya para sa malusog na pamumuhay ay sa harap ng babala ng World Health Organization (WHO) na kulang ang sustansiya sa mga pagkaing nabibili ng mahihirap.

Sapat lang daw kasi ang budget ng mahihirap para sa mga pagkaing madalas ay mamantika, sobrang tamis o sobrang alat.

Ang iba naman sa mga pagkain ay fast food o processed food, at madalang umano ang prutas at gulay.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.