Lebanese na umano'y illegal recruiter, arestado sa Parañaque

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 11:14 PM

MAYNILA - Arestado ang isang Lebanese na umano'y sangkot sa illegal recruitment.

Halos P300,000 ang sinasabing nakuha ng suspek na si alyas Steve Bsat sa mga nag-aapply na overseas Filipino worker (OFW) na pinangakuan niya ng trabaho sa Saudi Arabia.

Ayon kay Police Colonel Cesar Paday-os, acting chief ng Anti-Transnational Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naaresto ang suspek sa isang high-end condominium sa Parañaque Huwebes.

Sa naturang condominium nakipagkita si Bsat at 4 na kasamang Filipina sa kanilang mga ire-recruit.

Sakto namang dumating ang Parañaque Police para arestuhin ang isa sa mga Pinay na recruiter, na may warrant of arrest para sa kasong illegal recruitment.

Sinubukan umanong tumakas ng Lebanese pero hinarang siya ng mga biktima at kalauna'y naaresto ng pulisya.

Nakatakas naman ang tatlong iba pang Filipina.

Mahaharap ang banyaga sa kasong illegal recruitment.