Lalaking dawit umano sa nakawan ng motorsiklo patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 02:39 PM

MAYNILA — Patay ang isang miyembro umano ng isang grupong dawit sa nakawan ng mga motorsiklo sa Barangay Sta. Teresita, Sto. Tomas City, Batangas.

Kinilala ang suspek na si Dominador Espeleta, na kabilang daw sa Landrito/Bombasi Group. Napatay ito matapos daw makipagbarilan sa Highway Patrol Group (HPG) noong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Police Maj. Jet Sayno, hepe ng HPG-Batangas, nagsasagawa sila ng entrapment operation sa suspek nang makahalata na pulis ang kaniyang benebentahan ng nakaw umanong motorsiklo.

Nagpaputok ng baril si Espeleta at tumakas patungo sa direksiyon ng Lipa City sakay ng motorsiklo.

Naharang naman ang suspek sa checkpoint kung saan naganap ang palitan ng putok.

Nabawi sa suspek ang isang baril at kaniyang motorsiklo na hinihinalang nakaw din.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.