Lalaki patay matapos makuryente sa Zamboanga

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 11:07 PM

Namatay ang isang 23-anyos na construction worker matapos makuryente sa isang kinukumpuning tindahan sa Veterans Avenue sa Zamboanga City nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, nagbuhuhos ng semento ang biktima na si Aldrine Ralph Lebin sa ikalawang palapag ng tindahan nang mahawakan niya ang isang nakausling live wire.

Hindi agad nahila ng mga kasamahan si Lebin na nawalan ng malay.

Agad siyang isinugod sa isang ospital pero matapos ang ilang minuto, ay binawian din siya ng buhay.

Nangako naman ang contractor na tutulungan nila ang pamilya ng biktima, lalo na sa gastos sa pagpapalibing.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung may pananagutan ba ang contractor sa pagkamatay ni Lebin, lalo’t wala itong suot na protective equipment habang nagtratrabaho sa construction site.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.