Kasambahay pagnanakaw ang inatupag sa unang araw sa amo

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 04:59 PM


MAYNILA — Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad sa Pasay City ang isang ginang na namasukan bilang kasambahay pero pagnanakaw pala ang pakay sa kaniyang amo. 

Inakala ng biktimang si Kirsten Saguinsin na nakasuwerte siya dahil matapos ang 1 taong paghihintay ay nakahanap na siya ng bagong kasambahay.

Sa simula ay mukhang mabait daw ang nagpakilalang si Josie de Guzman, 53, na inirekomenda ng kakilala ng biktima.

Pero sa unang araw pa lang, pagnanakaw ang inatupag ni De Guzman imbes na trabaho.

Sa CCTV sa bahay, makikitang lumabas si Saguinsin at wala pang isang minuto ay binuksan na ng babae ang bag sa lamesa at ibinulsa ang P2,000 at cellphone na nagkakahalaga ng P40,000 bago umalis.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang pagtakas ni De Guzman, na sumakay sa tricycle.

Bukod sa mga gamit sa bag, natangay na rin pala ang ilang alahas sa kuwarto ng biktima. 

Sumatutal, aabot daw sa P55,000 ang halaga ng ninakaw ng suspek. 

Dismayado si Saguinsin lalo't umamin ang nagrekomenda sa kasambahay na hindi talaga niya kakilala ang babae.

Matapos ipa-blotter ang insidente, tinutugis na ng mga awtoridad ang babaeng nagpakilalang si De Guzman.


—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.