Ilang estudyante napilitang mag-dorm sa pagkasira ng LRT-2 stations

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 04:26 PM | Updated as of Oct 10 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Madilim pa sa kalsada, pero mahaba na ang pila ng mga pasahero sa Marcos Highway nitong Huwebes.

Sila ang mga apektadong pasahero na nag-aabang ng mga bus matapos ang tigil-operasyon ng bahagi ng LRT-2 dahil sa nangyaring sunog dito noong isang linggo.

Sa pagkasira ng mga rectifier ng linya ng tren na kumokontrol sa daloy ng kuryente nito, hindi muna operational ang mga istasyon ng Santolan, Katipunan, at Anonas habang kinukumpuni.

Kaya ang mga dating sumasakay na estudyante sa Santolan station, kaniya-kaniyang diskarte para makarating sa kani-kanilang paaralan sa takdang oras.

"[N]ahihirapan kami... 12 pa ang pasok ko, pero inagahan ko na para makarating," sabi ni Ryan Samson.

Sabi pa ng mga estudyante, alas-3 pa lang ng madaling araw ay bumabangon na sila para lang umabot sila sa mga klase nila sa umaga. 

"Lagi kaming nagba-bus from Junction to Quiapo, laging 2 to 3 hours papunta, at 3 hours pabalik. Dati 1 1/2 hours lang ang biyahe," ani Tricia Rosales.

Tulad ni Rosales, problema rin ng kaniyang kaibigan na si Ashley Esteban ang tagal ng biyahe. Kaya naman nito lang, napilitan na silang mag-dorm malapit sa eskuwelahan. 

"Four hours na lang ang tulog ko, kaya magdo-dorm na lang kami para hindi na mahirapan pa," ani Esteban. 

Martes nang magpatupad ng partial operations ang LRT-2 mula sa Cubao station hanggang Recto station.

Pero umaaray pa rin ang mga pasahero lalo na't 5 tren lang ang tumatakbo sa mainline. 

Nananawagan rin sila na agahan ang biyahe ng tren.

"Malaking pasakit kasi alas-6 nagsisimula [ang biyahe] eh teacher kami, nale-late kami. Sana agahan ang biyahe at sana papasukin na kami... Senior citizens kami, di kami makatayo," hinaing ni Teresita Millano, teacher.

Sinabi naman ng pamunuan ng LRT-2 na posibleng mapaaga ang pagbabalik ng full operations ng linya taliwas sa naunang pahayag na 9 buwan ang aabutin para dito. —Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.