Holdaper sa Naga tiklo nang magpanggap na biktima, magsumbong sa pulis

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 09:35 PM

NAGA CITY—Timbog ang isang suspek sa panghoholdap sa isang babae matapos itong pumunta sa istasyon ng pulis at magpanggap na siya ang biktima.

Kinilala ang lalaki na si Wilson Roño, residente ng Barangay Maycatmon, Milaor, Camarines Sur.

Kuwento niya, naaksidente siya sa motorsiklo at nagtamo ng gasgas sa binti sa likod ng isang pribadong paaralan sa Barangay Triangulo sa lungsod na ito Miyerkoles ng gabi.

Ngunit nakilala ng pulisya si Roño base sa naunang report ng isang babae.

Ayon kay Police Master Sergeant Tobias Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office, napasigaw ang babae nang makita si Roño.

“Napasigaw [ang babae] takot na takot. Kaya tinanong pasikreto ng investigator ang lalaki. ‘Ikaw ba ay taga [Brgy.] Maycatmon, Milaor?’ Sabi ng suspek, ‘Opo,’ ” kuwento ni Bongon.

“Ang trabaho mo ay sa CSU [Civil Security Unit] ng kapitolyo. Sabi niya, ‘Opo.’ Tanong ng imbestigador, ‘Nasan ’yung wallet mo?’ Sabi ng suspek, ‘Naholdap nga po ako.’ Sabi ng imbestigador, ‘Panong naholdap ka, nahulog mo ’yung wallet mo nu’ng nangholdap ka.’ ”

Sumbong ng biktima, galing sa trabaho, naglalakad siya sa may service road malapit sa isang ospital sa Central Business District II ng Naga. 

Lumapit sa kaniya ang dalawang lalaki na nakamotorsiklo.

Bumaba si Roño na siyang back ride at may tinanong sa biktima.

Bigla na lang umanong sinakal ni Roño ang babae.

Nang patakas na ang mga suspek, nahulog ni Roño ang kaniyang wallet na napulot naman ng biktima.

Ayon sa mga pulis, posible umanong naaksidente ang mga suspek dahil sa pagmamadali, at iniwan si Roño ng kaniyang kasama.

Paglilinaw naman ng Civil Security Unit ng lokal na pamahalaan ng Camarines Sur, buwan ng Mayo nang maging security employee si Roño. Pero simula Setyembre, hindi na ito pumapasok sa trabaho.

Kakasuhan ng robbery with intimidation ang suspek na si Roño at ang nakatakas niyang kasama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.