Gov't officials hinamong mag-commute matapos igiit na walang 'transport crisis'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 06:23 PM | Updated as of Oct 10 2019 08:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Simula nang igiit ng ilang opisyal ng gobyerno na walang "transport crisis" sa bansa, sunod-sunod na ang hamon sa kanila na mag-commute o mamasahe tulad ng mga regular na Pinoy araw-araw. 

Unang napikon ang netizens nang sabihin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang krisis sa transportasyon, sa kabila ng pagkakasira ng bahagi ng LRT-2, pagtirik ng MRT-3, at kilo-kilometrong trapiko sa SLEX, dahilan para maparalisa ang mga motorista at commuters.

"Ano bang ibig sabihin nila ng transportation crisis? Ang nakikita ko lang traffic. May transportation naman ah, nakakasakay naman tayong lahat," sabi ni Panelo sa naunang pahayag.

Dahil dito, hinamon si Panelo na subukang mag-commute papasok sa trabaho. Noong Miyerkoles, kumasa si Panelo sa tinaguriang "commute challenge."

"The challenge to commute is accepted. This coming Friday I'll take the jeepney and the LRT in going to work," sabi ni Panelo. 

Pero nanindigan pa rin ang Palace official na walang transport crisis na nararanasan ang mga Pinoy. 

Ganito rin ang opinyon ni Transportation Secretary Arthur Tugade. 

"Komo ba merong transport problem, may transport issue, meron nang transport krisis? Hindi pa ho dumadaan sa ganiyan yan. Kasama 'yan sa exacerbating the situation. Dapat pag nag-exacerbate ka ng situation, magtulungan po tayo, huwag kalimutan na tayo may ambag sa problema," sabi ni Tugade. 

Pero di tulad ni Panelo, walang balak si Tugade na patulan ang commute challenge dahil ginagawa naman daw talaga niya ito pero hindi niya pinapasikat.

"Nakapila rin po ako. Ako po na kalihim na ng Kagawaran ng Transportasyon, wala naman akong wang-wang, wala naman akong back-up. Iyong nasusubukan ninyo pong trapiko, nasusubukan ko rin po iyon," sabi ni Tugade.


—Ulat nina Jacque Manabat at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.