Batang nagka-meningococcemia sa Laguna, bumubuti na ang lagay

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 11:11 PM | Updated as of Oct 10 2019 11:27 PM

PAETE, Laguna — Wala umanong dapat ikabahala ang mga taga-Paete, Laguna sa nagpositibong kaso ng meningococcemia sa bayan noong Sabado.

Ayon sa municipal health officer na si Dr. Donne Framil, bumubuti na ang lagay ng 7 anyos na batang lalaki na tinamaan ng sakit.

Nasa San Lazaro Hospital pa rin ito pero nakatakda ng lumabas ngayong buwan.

“Nabigyan naman ng karampatang gamot 'yung bata, pasyente. And siguro na rin po, malakas lakas pa rin 'yung resistensya nung pasyente natin. Kumbaga yung immune system niya, lumalaban pa rin para hindi lumala 'yung karamdaman niya that time," ani Framil.

“Walang ano dapat ikabahala kasi controlled naman talaga and nagpupunta 'din naman dito ang taga-Provincial Health Office para tulungan din 'yung Paete na wag mag-panic," dagdag ni Framil.

Hindi man nangangamba sa sakit, mas mabuti na umanong mag-iingat pa din, ayon sa inang si Jen Durano.

Kaya pagpapalakas sa resistensya ng pamilya ang lagi niyang inuuna sa bunsong si Jed lalo ngayong pabago-bago ang panahon.

“Siyempre ang kailangan 'yung linis ng mga bata tapos Vitamin C, multivitamins, para may proteksiyon sa katawan nila," aniya.

Maaagapan ito kung maagang sasangguni sa doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.