4 na suspek sa pagpatay kay Batuan vice mayor Yuson, hawak na ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2019 04:58 AM | Updated as of Oct 10 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Hawak na ng pulisya ang 4 katao na umano'y sangkot sa pagpatay kay Batuan, Masbate vice mayor Charlie Yuson III.

Nag-aalmusal si Yuson at kaniyang 2 kasamahan nang pagbabarilin sila sa Sampaloc, Maynila.

Nadala sa ospital ang bise alkalde pero binawian din ng buhay. Sugatan naman sina Wilfredo Pineda at Alberto Alforte.

Ayon sa Manila Police District (MPD), naaresto ang mga suspek sa follow-up operation habang hinahanap ang getaway van ng mga namaril kay Yuson.

Hindi naman pinayagan ng mga pulis ang asawa ng bise alkalde na makita ang mga suspek.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumunta sa MPD Station 5 si Lalaine at kaniyang mga kasamahan para hilingin na makita ang mga suspek. Galing pa siyang airport at dumiretso agad sa estasyon imbes na sa punerarya.

Gusto nilang makita ang mga suspek dahil nangangamba silang ibang tao na ang ipakitang suspek kapag iprinisinta na ang mga ito.

Inabot ng 2 oras bago makausap nila ang station commander na si Police Lt. Col. Ariel Caramoan. 

Nagkaroon ng komosyon nang dumiretso si Lalaine sa opisina at katukin ito hanggang sa lumabas na si Caramoan.

Hindi pa rin pinayagan ng mga pulis na makaharap ng kampo ng biktima ang mga suspek dahil iniimbestigahan pa ang pamamaril.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.