Umano'y pusher patay nang 'manlaban' sa Puerto Princesa

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:42 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation Miyerkoles ng madaling araw sa lungsod na ito.

Kinilala ang suspek na si Jeffrey Orbiso, alyas "Diva," na bagong dagdag sa listahan ng mga umano'y nagtutulak ng ilegal na droga.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang Police Station 1 kung saan target ang suspek. Nang makatunog na pulis ang mga katransaksyon, naglabas umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang operatiba.

Agad na gumanti ng putok ang pulis at dito tinamaan ang suspek.

Sinubukan pang dalhin sa ospital si Orbiso pero hindi na ito umabot nang buhay.

Nakuha sa crime scene ang kalibre .38 na baril, 2 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30,500, at P1,200 na buy-bust money.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.