Umano'y notoryus na kawatan sa Bacolod, patay nang manlaban sa pulis

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 11:09 AM

BACOLOD CITY – Patay ang isa umanong notoryus na magnanakaw matapos na manlaban sa awtoridad, Martes ng madaling araw dito sa siyudad.

Ayon sa pulisya, itinuturo ang napatay na suspek na si Juniven Polgo na isa sa dalawa umanong kawatan na nagnakaw ng bag ng isang babae noong Lunes ng gabi sa 10th Lacson Street.

Nakilala ng biktima si Polgo mula sa rogue’s gallery ng pulisya kaya’t agad na hinanap ang suspek.

Naabutan ng mga pulis si Polgo sa highway ng Burgos Extension pero nagpaputok umano ito nang sitahin ng awtoridad.

Nakaganti naman ang awtoridad at nabaril ang suspek. Sa ospital na ito binawian ng buhay.

Narekober sa crime scene ang isang improvised gun at dalawang bala ng 12-gauge shot gun, pati na ang dalang motorsiklo ng mga suspek.

Patuloy ang paghahanap ng mga pulis sa nakatakas na kasama ni Polgo.

Si Polgo ang itinuturo ring suspek sa iba’t ibang kaso ng pagnanakaw sa area ng Police Station 2 at Station 4 sa Bacolod City.

Dagdag pa ng pulis, labas-pasok na si Polgo sa kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.