Tapyas-presyo sa bigas dama na sa Pangasinan, Cabanatuan City

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumaba na nang P2 kada kilo ang presyo ng commercial rice sa mga pamilihan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija dulot ng pagdami ng stock ng National Food Authority (NFA) rice sa lungsod. 

Dahil dito ay balak na ring dagdagan ng mga NFA rice retailer ang alokasyon sa 10 kilo bigas kada mamimili. 

Dumating na rin kasi ang 78,000 sako ng inangkat na bigas ng NFA. 

Bumaba rin nang P1 hanggang P2 kada kilo ang bigas sa Binalonan Public Market sa Pangasinan.

Nasa P43 hanggang P49 kada kilo na lang ang commercial rice, dulot ng harvest season. 

Balak ngayon ng NFA na itaas sa P20 ang buying price kada kilo ng palay para marami silang mabili sa mga magsasaka. 

Pero sisikapin ng NFA na makabili sa mga magsasaka kahit P23 hanggang P26 kada kilo ang bentahan sa mga pribadong trader. 

Kumpiyansa naman ang NFA na bababa ang presyo ng bigas sa susunod na buwan kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang limitahan ang pag-aangkat ng bigas sa bansa upang dumami ang supply. 

-- Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.