Suspek sa pagpatay sa alkalde ng Sudipen, hawak na ng mga pulis

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 01:50 PM

SUDIPEN, La Union-- Nasa kamay na ng mga pulis ang isa sa hinihinalang sangkot sa pananambang sa alkalde ng bayan na si Alexander Buquing.

Ayon kay Senior Supt. Ricardo Layug, nasa kustodiya na nila ang isang Rosendo Sibayan na tinukoy umano ng mga witness.

Nauna nang sinabi ng mga pulis na hindi bababa sa lima ang sangkot sa pagpatay kay Buquing. 

Matatandaang namatay ang alkalde sa pananambang noong nakaraang linggo habang sugatan naman ang kaniyang asawa na si Vice Mayor Wendy Joy Buquing sa insidente.

Bukod sa alkalde, patay rin sa pananambang ang kaniyang bodyguard at driver.

Ayon sa pulisya, hinuli si Sibayan dahil sa illegal possession of firearms matapos makuha sa kaniya ang 5 bala at 1 basyo ng bala ng isang M16.

Nagsasagawa pa raw ng cross-matching ang crime laboratory sa mga bala at basyo na nakuha kay Sibayan para malaman kung tugma ito sa mga narekober sa lugar kung saan pinagbabaril ang alkalde.

Itinanggi naman ni Sibayan na sangkot siya sa pananambang sa alkalde at itinanggi rin na siya ang may-ari ng mga nakuhang basyo ng bala.

Hindi niya raw ito magagawa lalo pa't maliliit pa raw ang kaniyang mga anak.

Samantala, hinihintay pa ng mga imbestigador ang complaint mula sa misis ng yumaong alkalde na nakiusap na magbibigay ng sworn statement matapos ang libing ng kaniyang asawa.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balaoan Police Station si Sibayan.

Pumalit sa puwesto ng kaniyang asawa ang bise alkalde. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.