Pulis sugatan nang mabundol sa QC checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 04:50 PM | Updated as of Oct 10 2018 08:38 PM

Watch more in iWantTFC

Sugatan ang isang pulis na nagbabantay ng checkpoint sa Quezon Avenue matapos mabundol noong gabi ng Martes ng sasakyang minamaneho ng isang lasing.

Kuwento ni Police Officer 1 Jonathan Sacluti, pinara niya ang isang AUV dahil sa mabilis nitong takbo, kasabay ng pagpara niya sa isang riding-in-tandem.

Pero umarangkada raw ang AUV papunta sa kaniya at binangga siya nito sa harapan.

"Pinara ko muna 'yong riding tapos pinara ko rin siya (AUV) kasi nga approaching na siya sa'kin eh," ani Sacluti.

Tinangka umano ng nakabanggang sasakyan na tumakas pero hinabol ito ng mga kasamahan ni Sacluti.

Nakuhanan pa ng CCTV ang habulan ng mga pulis at ng AUV.

Nang mahuli, dinala ang driver sa ospital at pinasailalim sa alcohol test, kung saan siya nagpositibo, ayon kay Police Officer 4 Jean Marc Bumanglag.

Ayon naman kay Sacluti, bagaman riding-in-tandem ang pakay nila sa checkpoint, dapat ay bahagya ring nagbabagal ng takbo ang ibang sasakyan para makaiwas sa aksidente.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng sasakyan.

Kakasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting to physical injuries at drunk driving.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.