Nasa 12.2 milyong pamilyang Pinoy naniniwalang 'mahirap' sila: survey

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:55 PM | Updated as of Oct 10 2018 08:16 PM

 

Umabot sa pinakamataas na antas sa loob ng apat na taon ang bilang ng mga Pinoy na naniwalang mahirap sila, ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS). 

Sa survey na isinagawa mula Setyembre 15 hanggang 23 at inilabas nitong Martes, sinabing 52 porsiyento ng 1,500 respondents ang nagsabing mahirap sila. Aabot ito sa 12.2 milyong pamilya. 

Ito rin ang pinakamataas na datos na naitala mula noong Disyembre 2014, kung saan 52 porsiyento rin ang nagsabing mahirap sila. 

Watch more in iWantTFC

Ito rin ang ikalawang sunod-sunod na pagtaas ng bilang ng mga "self-rated poor" na pamilya, matapos itong maitala sa 48 porsiyento noong Hulyo at 42 porsiyento noong Marso. Ibig sabihin, mula Marso hanggang Setyembre, 10 puntos ang itinaas ng bilang ng mga nagsabing mahirap ang kanilang pamilya.

Sa mga nagsabing mahirap sila, 8 porsiyento ang nagsabing hindi sila mahirap 1 hanggang 4 taon na ang nakalipas, habang 6 porsiyento ang nagsabing hindi sila mahirap mula noong 5 o higit pang taon ang nakakalipas. 

Ang nalalabing 39 porsiyento naman ang nagsabing hindi sila nakaahon sa kahirapan, ayon sa SWS. 

Sa 48 porsiyentong nagsabing hindi sila mahirap, 10 porsiyento rito ang nagsabing nakaahon sila sa kahirapan mula 1 hanggang 4 taon na ang nakalipas, habang 13 porsiyento rito ang nagsabing mahirap sila mula noong 5 taon o higit pa. 

Bilang ng 'food poor' tumaas

Tumaas rin ang mga "food poor" o mga pamilyang nagsabi na pang-mahirap ang kanilang kinakain.

Naitala ito sa 36 porsiyento o 8.5 milyong pamilya, mas mataas nang 2 puntos sa 34 porsiyento o 7.8 milyon noong Hulyo 2018. Ito na rin ang pinakamataas na antas matapos maitala ang 37 porsiyento noong Hulyo 2015. 

Ayon naman sa mga respondent, kinakailangan nila ng P10,000 na budget para hindi masabing mahirap sila. Pero lumalabas sa survey na kinakailangan nila ng P5,000 para makamit ang nasabing budget. 

Naitala nitong Setyembre ang 9.5 porsiyentong food inflation, kasabay ng 6.7 porsiyentong inflation sa bansa sa parehong buwan. 

Kasunod ng resulta ng survey, iginiit ng Malacañang na kumikilos ang gobyerno.

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, malaki ang epekto ng bagyong Ompong kaya nagbigay ng direktiba ang Pangulo na tanggalin ang limitasyon sa pag-angkat ng bigas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.