LTO, door-to-door na namigay ng mga plaka sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 02:41 AM

Baguio City - Sinumulan nitong Martes ng Land Transportation Office (LTO) Cordillera ang door-to-door na pamimigay ng mga matagal nang nakaimbak na plaka sa kanilang tanggapan.

"Initiative to ng Department of Transportation kasi nakikita natin na aside from busy 'yung car owners natin from their daily work, isa rin itong hakbang para makatulong sa ating car owners," ani Engr. Robert Santiago, regional director ng Department of Transportation (DOTr) Cordillera.

Personal na inihahatid ng mga kinatawan ng LTO sa bahay ng mga nagparehistro ng sasakyan ang mga plaka.

"At least hindi ka na pabalik-balik sa dealer at least kampante ka na ring bumiyahe," ani Sherwin Paragas na isa sa mga nabigyan ng plaka.

Paraan din daw ito para mabawasan ang kanilang backlog. Sa Baguio at Benguet, nasa 174 na plaka pa ang kanilang ipapamahagi.

Ayon sa LTO, 2 araw kada linggo silang mamamahagi ng mga plaka. Uunahin nila ang mga nasa Baguio at Benguet at saka isusunod ang mga nasa ibang bahagi ng rehiyon.

Inilunsad rin nila ang Personal Appointment Scheduling System o PASS kung saan maaari nang ma-track online kung nasaan na ang mga pinoprosesong plaka. 

Paraan din ito para mabawasan ang mga nagpapabalik-balik sa kanilang tanggapan na nagparehistro ng mga sasakyan.

Kung malayo ang tirahan o hindi kaya ay may kapansanan, maaari na ring i-request na i-deliver na lamang ang plaka.

Libre ang ginagawang door-to-door service ng LTO.