Lolo patay sa hit-and-run sa Negros Occidental

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2020 07:30 PM

VALLADOLID, Negros Occidental - Patay ang isang senior citizen sa isang hit-and-run sa highway ng Barangay Poblacion sa bayan na ito Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ricardo Gelarso Jr., 62.

Naiulat na tumawid si Gelarso, na nakainom umano, sa naturang highway sa bahagi ng Purok Ilang-ilang nang mabangga siya ng isang itim na pickup truck na may temporary plate number.

Hindi umano huminto ang driver ng pickup at iniwan lang ang biktima sa kalsada. Sa bilis ng pangyayari, walang nakakuha ng plate number ng sasakyan.

Nagtamo ng sugat sa ulo si Gelarso, na maaaring sanhi ng pagkamatay nito.

Hindi na umano magsasampa ng kaso laban sa suspek ang pamilya Gelarso dahil ang gusto lang nila ay matulungan sila sa pagpapalibing ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.