'Faith healer' na nangmolestiya umano ng mga pasyente, arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:27 AM

RIZAL - Arestado sa Cainta, Rizal ang isang lalaking nagpanggap na faith healer matapos umano niyang molestiyahin ang mga pasyenteng menor de edad.

Nahuli ng mga pulis si Christian Nicdao, 39 anyos, matapos ang 3 taong pagtatago.

Kuwento ng isang biktima, tinakot sila na masasapian kapag hindi pumayag sa gusto ng suspek.

"Kapag 'di kami pumayag, sasapian daw kami ng masamang espiritu kaya kami pumayag," aniya.

Natunton ng mga pulis si Nicdao sa kaniyang pinagtatrabahuan at inihain ang warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa salaysay ng mga biktima na noon ay menor de edad, nagpanggap na faith healer si Nicdao na kaya umanong makapanggamot.

Nangyari ang insidente noong 2015 sa isang bayan sa Tarlac nang ipinaiwan ng suspek ang 3 binatilyo sa kanilang mga magulang para doon matulog.

Pinabulaanan naman ni Nicdao ang mga alegasyon laban sa kaniya. Paniwala niya, ginagantihan lamang siya ng mga biktima.

"Sinumbong ko kasi sila noon na nagda-drugs. Kaya binabaliktad nila ako ngayon," aniya.

Dinala na si Nicdao sa Tarlac kung saan diringgin ang kaso. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.