Duterte naglabas ng 'drug matrix' na nagdadawit sa 7 aktibo, dating pulis

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 09:13 PM

Watch more in iWantTFC

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naglabas nitong Martes ng isang drug matrix kung saan kasama sa pinangalanan niya ang limang aktibo at dalawang dating pulis.

Sila ang iniuugnay sa pagpuslit ng bilyong halaga ng ilegal na droga sa Bureau of Customs noong Agosto.

Nasa ibabaw ng listahan si dating Senior Superintendent Eduardo Acierto na siya umanong tumatayong lider ng grupo.

Agosto nitong taon nang matanggal sa serbisyo si Acierto dahil sa pagkakasangkot niya sa kontrobersiyal na AK-47 deal noong 2014.

Pero sa isang pahayag, mariing itinanggi ni Acierto ang paratang.

"Una sa lahat, sinusuportahan ko ang laban kontra sa ilegal na droga. 27 taon akong tapat na nanilbihan sa pambansang pulisya. Hanggang ngayon, patuloy ang krusada ko laban sa droga," aniya. 

Kasama rin si Senior Superintendent Leonardo Suan, na matagal nang floating sa Philippine National Police (PNP) matapos tanggalin bilang deputy director ng PNP Region 8.

Parte din ng matrix ang nagsilbi noong deputy director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Superintendent Ismael Fajardo bago sibakin sa puwesto. 

Dawit din sina Superintendent Lorenzo Bacia, Inspector Lito Pirote, Inspector Conrado Caragdag, at SPO4 Alejandro Liwanag na pawang mga naka-floating status matapos paimbestigahan noong Setyembre ni PNP chief Oscar Albayalde. 

Sa katunayan, ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana Jr. ay patuloy ang pagkalap nila ng ebidensiya laban sa pito bago sila tuluyang sampahan ng kaso.

"The war on drugs is still far from over and we need to cleanse our ranks," ani Durana.

Bahagi ng internal cleansing program ng PNP ang pag-iimbestiga sa mga tauhan nilang maaaring sangkot sa ilegal na droga at sila daw mismo ang nagbigay ng impormasyon para mabuo ni Duterte ang matrix.

Sa isang text message, sinabi rin ni Albayalde na pinag-utos na niya ang pagpapabalik sa Camp Crame ng lahat ng aktibong pulis na pinangalanan sa matrix ng Pangulo para maisailalim sila sa restrictive custody.

—Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.