Dagdag-kontribusyon sa SSS target maipatupad sa pagpasok ng 2019

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Layong maipatupad sa pagpasok ng 2019 ang dagdag-kontribusyon sa Social Security System (SSS) kapag nalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na inaprubahan ng Kongreso. 

Ito'y matapos maplantsa nitong Martes ng Senado at Kamara sa bisa ng Bicameral Conference Committee ang pinal na bersiyon ng panukala. 

Mula 11 porsiyento, layong gawing 15 porsiyento ang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS, at unti-unting ipapatupad ito hanggang 2025. Susundan pa rin ang hatian na 8 porsiyento sa employer at 4 porsiyento sa employee. 

"Pag napirmahan ng Pangulo, we will work very fast so we hope na by the beginning of the year in place na ito and ready to implement," ani SSS President Emmanuel Dooc. 

Nasa P16 bilyon ang inaasahang revenue o kita ng SSS mula sa contribution hike kapag naipatupad na ito. 

Ayon naman sa pahayag ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), hindi nila tututulan ang pagratipika ng Pangulo, pero hihilingin nila ang pagsuspinde nito kung makitang lumala pa ang sitwasyon ng ekonomiya at lumiit ang take-home pay ng mga manggagawa. 

Giit naman ng SSS, mas makakabenepisyo ang dagdag sa kontribusyon sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo. 

"Napakaliit naman na karagdagan niyan [pero] ang katumbas niyan ay habambuhay na katiwasayan ng security, na kung may mangyari sa'yo may tulong na maaasahan ang iyong mahal na pamilya," ani Dooc. 

Umaasa rin ang SSS na makakatulong ang hike sa pagpapahaba ng buhay ng kanilang pondo. 

Kung ngayon ay hanggang 2032 lamang ang pondo ng SSS, hahaba ito hanggang 2038, aniya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.