Buntis patay, 13 sugatan sa pagtaob ng kuliglig sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 07:56 PM

Tumaob ang isang kulilig sa bayan ng Cabagan, Isabela nitong Miyerkoles. Cabagan Police

Patay ang isang buntis habang 13 ang sugatan nang tumaob ang sinasakyan nilang kuliglig sa Cabagan, Isabela nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Noel Magbitang, hepe ng Cabagan Police, papunta sanang bukid ang mga biktima para mag-ani ng mais. Pero habang binabaybay ang national highway ng Barangay Garita ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver na 19-anyos.

Nagpagulong-gulong bago tumaob ang kuliglig na ginawang parang ordinaryong four-wheeled vehicle.

Tumilapon ang 13 pasahero. Naisugod sila sa ospital pero hindi na umabot nang buhay ang limang-buwang buntis na si Josefa Bautista.

Ayon naman sa kaniyang mister na si Ronald Pangilinan, binusinahan sila ng nakabuntot na pampasaherong bus at posibleng dahil sa taranta ng driver na dalhin sa outer lane ng kalsada ang kuliglig ay nawalan ito ng kontrol.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.