Biyenan ng nahuling drug suspek nag-amok

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:20 PM

Bitbit ang itak, nag-amok umano sa estasyon ng pulisya ang suspek nang mahuli ang manugang sa kasong illegal drugs sa Bacarra, Ilocos Norte. Dianne Dy, ABS-CBN News


BACARRA, Ilocos Norte – Nag-amok ang isang 53 anyos na lalaki sa estayon ng pulisya matapos mahuli ang kaniyang manugang sa ikinasang buy-bust operation nitong Lunes.

May bitbit na itak ang lalaki at muntik pa umano itong itaga sa mga pulis.

“During the documentation, dumating ama, naglabas ng itak, nailagan,” ayon kay Chief Insp. Allan Emerson Dauz.

Kuwento pa ni PO1 John Baldugo, tinangka ring hablutin ng lalaki ang kaniyang baril kaya nasira ang kaniyang holster.

Pinagsisisihan naman ng suspek ang nagawa at sinabing nadala lang siya ng sobrang galit.

Ang kaniyang manugang na lalaki ay nakuhanan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang P500.

Itinanggi naman ng kaniyang manugang ang mga nakuhang droga sa kaniya.

Nasampahan na ng kasong direct assault ang nag-amok na lalaki habang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ng manugang nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.