Bigas, papatawan ng SRP, lilinawin ang mga klase

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 09:39 PM

Watch more in iWantTFC

Sa katapusan ng Oktubre, magpapataw ang gobyerno ng suggested retail price (SRP) sa bigas at bibigyang-linaw ang mga "variety" o klase ng bigas na ibinebenta sa merkado, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol.

Ayon kay Piñol, pumayag ang mga stakeholder na ipataw ang SRP sa mga sumusunod na klase ng bigas:

  • Regular-milled rice - P38 hanggang P39 kada kilo
  • Well-milled rice - P40 hanggang P41 kada kilo
  • Whole-grain head rice - P42 hanggang P44 kada kilo

Wala naman daw SRP ang special rice habang mapapako sa P27 at P32 ang bigas ng National Food Authority (NFA).

Dagdag pa ni Piñol, "regular milled," "well milled," "whole grain" at "special rice" na lang ang mga pangalan ng mga bigas na maibebenta sa mga supermarket at palengke.

Tatanggalin na ang mga "Sinandomeng," "Dinorado," "Angelica," at "Yummy-Yummy" na pangalan ng mga bigas, na ayon kay Piñol ay "marketing gimmick" lang at nagpapalito lalo sa mga mamimili.

"Wala namang ganoong variety eh. All of these actually are marketing gimmicks," ani Piñol.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Javier Villena, na apat na dekada nang nagtitinda ng bigas, dati ay "Laon," "Wagwag" at "Milagrosa" lang ang pangalan ng mga bigas.

Pero kalauanan daw ay nagbago at nadagdagan dahil sa kapipili ng mga suki sa klase ng bigas na gusto nila.

"Hinahanap 'yan ng mamimili," ani Villena.

Ayon naman kay Marideth Caña, na nagtitinda rin ng bigas, wala naman talagang "Angelica" at "Domeng" na pangalan ng bigas dahil hindi naman iyon ang pangalan ng binhi.

"'Di ko alam kung saan nanggaling 'yang pangalan na 'yan. Baka kinatha lang 'yan ng may-ari ng gilingan," sabi ni Caña.

Oobligahin din daw ng Department of Agriculture (DA) ang mga retailer na ilagay sa label kung saan galing ang ibinebentang mas mahal na special rice.

ILALAGAY SA PLASTIC, VACUUM PACK

Gusto rin ng DA na sa susunod na taon ay ilagay sa plastic o vacuum pack ang tingi-tinging bigas na ibinebenta sa palengke sa halip na nakabuyangyang sa mga open container.

Ayon kay Piñol, hindi ligtas sa kalusugan kapag naka-display lang sa mga open container.

"'Di ba nakabukas ang bigas? Eh bibili ka ng bigas bigla kang nabahing, eh di 'yong laway mo, lahat, nandoon sa bigas," ani Piñol.

"Tapos minsan nilalamutak pa 'yong bigas, eh malay mo kung saan galing iyong kamay noon," dagdag niya.

--Ulat nina Alvin Elchico at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.