Barangay chairman patay, 4 sugatan sa pamamaril sa dance contest sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 05:37 AM | Updated as of Oct 10 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAVITE - Patay ang isang barangay chairman habang sugatan naman ang 4 na residente sa pamamaril sa Barangay Yakal, Silang, Cavite Martes ng gabi.

Kinilala ang namatay na si Naldie Secretario, 46 anyos, na nagtamo ng tama ng bala sa batok.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nanonood ang mga biktima ng dance contest sa covered court nang biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril bandang alas-10 ng gabi.

Nagkagulo ang mga residente at natuklasan ng mga barangay tanod na bumulagta na ang kanilang barangay chairman.

Ayon sa mga nakakita, sakay ng motorsiklo ang mga salarin. Bumaba ang gunman at nakinood pa sa dance contest bago namaril.

Sinubukan pa ng mga tanod na habulin ang mga salarin pero pinaputukan din sila palabas ng covered court.

Ayon kay Senior Insp. Norman Castao, commander ng Bulihan Police Community Precinct, nasugatan din ang 4 na residenteng nanonood lang sa dance contest.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng kalibre .45 na baril. Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa pamamaril. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.