Bahagi ng gasolinahan sa Puerto Princesa nagliyab

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 11:11 AM

PUERTO PRINCESA CITY – Ikinaalarma ng mga residente at motorista ang pagliyab ng isang bahagi ng gasolinahan sa Barangay San Manuel dito, Martes ng gabi.

Agad na pinagtulungang apulahin ang apoy ng mga tauhan ng gasoline station gamit ang mga nakahandang fire extinguisher.

Pagdating ng Bureau of Fire Protection (BFP), naapula na ang apoy at nag-deklara na ng fire out.

 

Video mula kay Christopher Barilea Nacasi

Sa imbestigasyon, napag-alamang isang pickup ang nagpakarga ng gasolina na gumamit ng card para sa loyalty points.

Agad na pinaandar ng driver ang sasakyan sa pag-aakalang tapos na ang pagkarga ng gasolina nang maibalik na sa kaniya ng gasoline boy ang card at resibo.

Laking gulat ng driver nang makitang nakakabit pa ang hose sa kaniyang sasakyan.

Nahila ang nozzle ng hose na nakakabit pa sa tangke ng sasakyan na naging dahilan para matumba ang pump at magsimula ang apoy.

Nabahala ang mga tao sa lugar dahil malapit lang ang gasolinahan sa isang hotel at mall.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP habang pinayuhan munang ishut-off ang valve para masiguro ang kaligtasan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.