Abby Binay ‘nilaglag’ ng mga konsehal, barangay chairman ng Makati

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 09:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa bisperas ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2019 elections, "bumaligtad" ang mayorya ng mga konsehal at barangay chairman ng Makati mula kay incumbent Mayor Abby Binay patungo sa dating alkalde at kaniyang kapatid na si Junjun Binay.

Reklamo kasi ng ilan, nabibinbin ang mga benepisyo para sa mga taga-Makati at kulang daw sa "aruga" ang kasalukuyang liderato.

Ayon pa sa ilang konsehal, ibang-iba raw ang pamumuno ng dalawang kapatid.

Ikinagulat naman ni Abby ang mga alegasyon ng kaniyang konseho.

"Hindi niyo man ako nakikita pero nararamdaman niyo ang lahat ng pagbabago at programang binababa ko sa tao," depensa niya.

Ayon pa sa alkalde, sa nakalipas na dalawang taon ay wala siyang narinig mula sa mga konsehal ukol sa umano'y problema nila sa kaniyang istilo. 

"Maybe I'm no longer useful to them . . . Wala akong naririnig sa kanilang reklamo sa loob ng 2 taon," aniya. 

Sa panayam ng ABS-CBN News sa mga konsehal ng Makati, sinabi nilang 88 porsiyento ng konseho ay tumiwalag na kay Abby at maging ang 21 sa 33 barangay chairman ng lungsod ay susuportahan na rin ang posibleng pagbabalik ng kaniyang kapatid na si Junjun. 

Pero ani Abby, hindi siya natatakot. 

"Hindi ako natatakot. I don't know if this is a PR campaign to get a bandwagon but I am confident . . . Nu'ng umupo ako noong 2016, andami kong problemang minana na kailangan kong ayusin. Andami kong sistemang nadatnan na bulok na kailangan itama," ani Abby. 

Ipit naman ang ama nina Abby at Junjun na si dating vice-president Jejomar Binay.

"At the end of the day ang sinasabi ng daddy ko, kapag hindi umatras ang kapatid ko . . . kung hindi po siya magpapapigil, wala pong magagawa ang tatay ko kundi ikampaniya ako," rebelasyon ni Abby. 

Inaabangan ngayon kung may magpapaubaya sa magkapatid o pareho silang tatakbo sa halalan sa Mayo 2019. —Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.