1 patay, 1 sugatan sa salpukan ng trak at motorsiklo sa Butuan City

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2018 06:22 PM

BUTUAN CITY - Patay ang isang pastor habang sugatan naman ang angkas nito matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang trak sa Barangay Taguibo sa lungsod na ito Martes ng hapon.

Base sa imbestigasyon, pauwi na sana ang pastor na si Richard Seman at ang kasama nitong si Rico Salazar nang makasalubong nila ang trak na paliko sa opisina ng isang construction company.

Sa ilalim ng trak nakuha si Seman. Nadala pa siya sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

Nagpapagaling naman ngayon sa ospital si Salazar matapos magtamo ng sugat sa iba't ibang parte ng katawan.

Aminado itong matulin ang takbo ng motor at dahil madulas ang kalsada, hindi umano kumagat ang preno.

Napag-usapan na ng dalawang panig na sasagutin ng construction company ang gastusin sa ospital ni Salazar at pagpapalibing kay Seman.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang drayber ng trak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.