SAPUL SA CCTV: Pananambang sa isang opisyal ng Biñan, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 12:19 AM

Nakuhanan sa CCTV ang pananambang sa sasakyan ng isang opisyal ng Biñan, Laguna noong Miyerkoles, Oktubre 4.

Isang puting sasakyan ang tila nakaabang sa paglabas ng itim na SUV na sinasakyan ni Edward Alonte Reyes, kalihim ng Sangguniang Panlungsod ng Biñan, kasama ang kaniyang tatlong security personnel.

Nang malapit na ang target, lumabas sa puting sasakyan ang isang naka-itim at isang nakapulang damit na lalaki.

Pinaulanan na nila ng bala ang SUV.

Sa gitna ng putukan, lumabas sa sasakyan at napuruhan ng bala ang isa sa mga guwardiya ni Reyes na kinilalang si Salvador Reyes Jr., isang retiradong pulis.

Nakatawid sa kalsada ang sasakayan ng mga biktima at bumangga sa harapan ng tinitirhang subdivision ni Reyes.

Dalawang back-up na motorsiklo ang dumating at sinakyan ng mga namaril, na sinundan din ng puting sasakyan sa pagtakas.

Mahigit 70 basyo ng bala ng hindi pa matukoy na armas ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Batay sa imbestigasyon, hindi nagdala ng armas ang mga biktima dahil sa umiiral na gun ban.

May ilang tinitingnan anggulo at motibo ang pulisya ukol sa pamamaril.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang opisina ni Reyes para humingi ng pahayag pero wala siya roon.

Hindi rin pumayag ang mga guwardiya sa subdivision ni Reyes na mapuntahan ang kaniyang tirahan at makuhanan siya ng panig sa insidente.


-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.