Pulis pinagbabaril sa harap ng simbahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 08:36 AM

MANILA - Kritikal ang kondisyon ng isang pulis matapos barilin ng mga gunman na sakay ng 2 motorsiklo sa tapat ng simbahan sa Sampaloc, Maynila, Martes.

Nagbabasa ng diyaryo si PO2 Joselito Imperial sa tapat ng kanyang bahay na nasa harapan ng Holy Trinity Parish sa Barangay 539 nang makailang ulit siyang paputukan, alas-6:45 ng umaga.

Nakarinig umano ang mga residente ng 4 na putok ng baril ngunit hindi nila namukhaan ang mga gunman o naplakahan ang 2 motorsiklo.

Isinugod naman sa United Doctors Medical Hospital ang biktima.

Kakalipat lamang ni Imperial sa National Capital Region Police Office mula sa Manila police, ayon kay Senior Insp. Jerry Bravo ng Calabash Road police community precinct.

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.