Pinosasan at tinakpan ang bibig: Lalaki patay matapos barilin umano ng tanod

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 08:29 PM

Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang namatay matapos magtamo ng tama ng bala sa kaniyang balikat sa Ermita, Cebu City.

Dinala sa pagamutan ang lalaki na nakitang humihingi ng tulong noong Martes ng umaga pero binawian din ng buhay.

Ayon sa pulisya, galing ng Ermita Barangay Hall ang lalaki at hinihinalang binaril ng isa sa mga tanod roon.

Nang puntahan ng pulisya ang barangay hall, wala ni isang tanod ang nasa lugar at tanging tatlong taong nakakulong lamang ang nandoon.

Sabi nila, ang isa sa kanila ay nauna nang kinuha ng mga tanod.

Sa labas ng detention cell, napansin naman ng pulisya ang bakas ng dugo at isang basyo ng bala sa labas naman ng barangay hall.

Napag-alaman din sa imbestigasyon ng pulisya na bago barilin ang lalaki ay pinosasan at nilagyan pa ng tape ang bibig ng biktima.

Iimbitahan ng awtoridad ang lahat ng opisyal ng barangay at mga tanod ng Ermita upang maimbestigahan hinggil sa pagkamatay at pagkakakilanlan ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.