Nanlaban? Pulisya, plinano umano ang pagpatay sa isang ahente ng PDEA

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 12:59 PM | Updated as of Oct 10 2017 03:56 PM

Lumalabas na planado ang pagpatay ng isang pangkat ng mga pulis sa isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na unang inakusahang nanlaban sa isang operasyon.

Hunyo nang mapatay si PDEA agent Macario Grasparil sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa kaniyang bahay sa Sibalom, Antique.

Tinangka umanong barilin ni Grasparil ang mga awtoridad kaya inunahan nila ito, batay sa salaysay ni Police Senior Inspector Clark Dingco.

Ngunit base sa ebidensiyang nakalap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang pagsisiyasat, lumabas na planado umano ang pagpatay sa ahente.

"There are probable causes, evidence were gathered," ani Max Salvador, regional director ng NBI.

"They all said it was a shootout, they are playing their defense," dagdag pa nito.

Sinampahan ng NBI ng kasong murder si Dingco at mahigit 20 pulis na kasama sa operasyon.

Tumanggi ang NBI na magbigay ng karagdagang detalye sa kaso.

Una nang sinabi ng PNP na "high-value target" si Grasparil dahil konektado umano ito sa napatay na drug group leader na si Richard Prevendido.

Mariin naman itong pinabulaanan ng PDEA at sinabing si Grasparil pa nga ang naging kasangkapan sa pagkakahuli sa mga kaanak ni Prevendido sa Antique.

-- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.