Mga lalabag sa smoking ban sa Muntinlupa, huhulihin na simula Oktubre 12

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 03:36 AM

Simula Huwebes, Oktubre 12, magsisimula nang manghuli ang "smoke-free task force" ng Muntinlupa ng mga pasaway na magyoyosi at magbebenta ng sigarilyo sa mga pampublikong lugar sa lungsod.

Ayon kay Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi, alinsunod ang kanilang ordinansa sa executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

Huhulihin ang mga nagbebenta ng sigarilyo, kabilang ang mga tinaguriang "takatak vendors", kung wala silang pahintulot mula sa city hall para magbenta. 

Ipinagbabawal din ng ordinansa ang paggamit ng electronic cigarette o vape.

Ayon kay Tess Navarro, public information officer ng Muntinlupa, may mga itinalagang opisyal upang hulihin ang mga lalabag.

Bibigyan ng tiket na may multang aabot sa P2,500 at 8 oras na community service ang mga mahuhuling naninigarilyo.

Hanggang P5,000 at 14 oras na community service naman ang parusa sa mahuhuling nagbebenta.

Sa mga designated smoking area lamang pahihintulutan ang pagyoyosi.

Nitong nakaraang buwan, nasa 400 ang nahuling lumabag sa ordinansa ng Muntinlupa sa isinagawang "Oplan Sita", pero hindi muna sila pinatawan ng multa.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.