Magsasaka, patay matapos galawin ang live wire sa La Union

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 11:57 AM

LA UNION – Patay ang isang magsasaka matapos makuryente sa San Fernando, La Union Biyernes ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Benny Dongonan, 41-anyos.

Ayon sa isang binatilyo, nakita niyang nakahiga na sa lapag si Dongonan, Biyernes ng umaga. Agad naman nitong tinawag ang tiyuhin ni Dongonan na si Faustino Lazaro.

Rumesponde ang pulisya dakong alas-12 ng tanghali. Ayon sa doktor na tumingin kay Dongonan, mga alas-8 ng umaga pa ito namatay.

"Ayon sa mga tao roon, 'yung wire po kasi is nakasayad sa lupa. 'Yun po ang sabi nila noong pumunta na po kami doon. Nalipat na po ng tiyuhin niya doon sa bahay po niya si Benny," said PO3 Anania Ramos.

Sa panayam kay Lazaro, tinangka ni Dongonan na ilipat ang wire sa kanilang bahay, pero hindi niya alam na live wire pala ito.

Dagdag pa ni Lazaro na bago naganap ang insidente, dumating ang La Union Electric Cooperative, Inc. o LUELCO para kumpunihin ang kanilang electric meter.

"Dapat sana kapag ganun ng mga LUELCO, ayusin nilang mabuti, o sino mang responsible diyan, dapat ayusin nila nang mabuti, hindi 'yung katulad ngayon, hinintay pa nila na may namatay na sa kanila, ang bilis nilang inayos. Wala na, patay na 'yung tao," sabi ni Lazaro.

Sa panig naman ng LUELCO, wala umano silang natanggap na reklamo hinggil sa problema sa service drop wire sa Barangay Baraoas.

"Dapat magko-complain po sila, kung halimbawa low-lying 'yung service drop, huwag po dapat sana sila ang gagawa. Mag-report po agad sila sa LUELCO and then kami po, gagawin naman po namin kaagad kapag naka-receive po kami ng mga complain sa mga ganoong bagay po," paliwanag ni Virgita Garcia, ang Institutional Services Department Manager ng LUELCO.

Handa naman umano ang kumpanya na tulungan ang pamilya ni Dongonan.

"May proseso po 'yun kapag binigay na po nila sa amin 'yung mga hinihingi naming mga papeles, then ibibigay namin sa Office of the General Manager and then sa board meeting po nila ita-tackle po nila 'yung hinihingi po ng family po ni Mr. Lazaro," sabi ni Garcia.

Naulila ni Dongonan ang kanyang asawa at dalawang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.