PatrolPH

Lola, pinagbabaril ng riding in tandem sa Ilocos Sur

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 12:05 PM

ILOCOS SUR – Patay ang isang 72-anyos na babae matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Sabangan, Santiago, Ilocos Sur noong Linggo.

Nagtamo ng 5 tama ng bala sa dibdib si Felicidad Limon, residente ng Barangay Olo-olo. Pumunta si Limon sa Plaza ng Barangay Sabangan upang makipagkita umano sa bibili ng kanyang lupa.

“Dumating ang 2 lalaking sakay ng motorsiklo. Nag usap-usap pa daw ito ng matagal, ayon sa tricycle driver na sinakyan ng biktima. Makalipas ang ilang minuto, dito na pinagbabaril ang biktima,” ayon kay P03 Oscar Socias Jr.

Walang nawawalang kagamitan ang biktima kaya maaaring hindi robbery ang insidente. Away sa lupa ang isa sa mga tinitignang anggulo ng pulisya sa krimen.

“May mga previous case tayo na sinettle sa station, mga away sa lupa nilang magkakamag-anak,” dagdag ni Socias.

Itinanggi naman ng kapatid ng biktima na may away ang pamilya nila sa mga lupa.

"Walang away sa lupa. Wala din kaming alam na kaaway ng kapatid ko," sabi ni Faustina Limon-Fernandez.

Sa ngayon, tinitingnan ng pulisya ang mga kuha ng CCTV sa barangay para sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.