Lalaking nagbibisikleta patay nang mabundol ng bus sa La Union

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:04 PM

Nasagasaan ng isang rumaragasang bus ang 25-anyos na lalaking sakay ng bike sa Balaoan, La Union noong Linggo.

Dead on arrival sa pagamutan si Sherwin Ramirez, isang graphic designer sa isang printing press sa Baguio City. 

Nagtamo si Ramirez ng sugat sa ulo matapos na masagasaan ng bus bandang alas-10 ng gabi sa national highway, Barangay Calungbuyan, Balaoan.

Ayon sa kaniyang ina, nag-aaral din ng Korean language ang kaniyang bunsong anak na pangarap na makapag-trabaho doon.

"Lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Think positively mama. Huwag ka mag-alala, tatapusin ko pa ito, balang-araw tatapusin ko 'yung eksamin ko.’ Talagang gusto niyang mag-abroad," sabi ng kaniyang ina na si Naida Ramirez.

Sumuko sa Balaoan Police Station ang driver ng bus at inamin nitong hindi niya nakita ang naka-bisikletang biktima.

"Actually, sabi niya hindi niya napansin dahil walang ilaw 'yung bike, bigla na lang tumawid sa kaniyang dinadaanan kaya 'yun na, bigla niyang nabangga," ani Senior Insp. Cresencio Abila Jr.

Nakapag-piyansa na ang driver ng bus pero sinampahan pa rin siya ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

"Sa mga motorista, lalo na 'yung mga big bus, magdahan-dahan lang tayo sa daan lalong-lalo na ngayon na ongoing ang 17th Mayor's Cup sa Balaoan, medyo maraming tao ang tumatawid sa daan, slow down lang po tayo," sabi ni Abila.

Dagdag pa niya, wala pang areglo sa pagitan ng pamilya Ramirez at kompanya ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.