Kagawad at kasamang babae, arestado sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 11:48 PM

Arestado sa entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang barangay kagawad at isang babaeng inireklamo ng pangingikil.

Sa video na kuha ng kaibigan ni alyas "Bimbo", kitang magkausap si Bimbo at ang barangay kagawad na si Raul Tero sa loob ng isang fast food restaurant sa Caloocan.

Sa surveillance video naman ng QCPD, huling nag-abutan ng pera ang dalawa sa loob ng barangay hall sa Caloocan.

Nang makuha ang pera, pumasok na ang mga operatiba at inaresto sina Tero at ang isang babaeng kinilalang si Liza Cuyugan na dating karelasyon ni Bimbo.

Reklamo ni Bimbo, kinikikilan umano siya ng dalawa at tinakot pang kakasuhan ng "rape" kung hindi maibibigay ang hinihinging kalahating milyon na kalauna'y naibaba sa halagang P100,000.

Binantaan din umano si Bimbo na sisiraan sa trabaho kung hindi magbibigay ng pera.

Itinanggi naman ni Cuyugan ang pangingikil pero inamin niyang dati silang nagsasama ni Bimbo.

Itinanggi rin ni Tero na nangingikil siya.

Ayon naman sa QCPD, unang nagkasundo ang mga suspek at biktima na mag-abutan ng pera sa Project 7 sa Quezon City pero nauwi sa isang barangay hall sa Caloocan.

Isasailalim sa inquest proceeding ang dalawang suspek.

-- Ulat ni Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.